News

Fire Prevention Month, Nagsimula na sa Quezon

Sa pag-iwas sa sunog hindi ka nag-iisa ang Tema ngayon ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa pagtataguyod ng ligtas na pamayanan laban sa mapinsalang trahedyang dala ng apoy.

Ang buwan ng Marso ay Fire Prevention Month kung saan mas pinaiigting ng BFP ang kampanya upang makaiwas sa sunog.

Sa Bayan ng Infanta, Quezon, sa unang araw ng buwan ng Marso nagkaroon ng motorcade bilang pagsisimula ng mga programa ng Ifanta BFP sa Fire Prevention Month.

Hindi pa man tuluyang sumisikat ang araw maagang naghanda ang mga bumbero ng naturang bayan upang libutin ang kanilang komunidad upang higit na ipaalala sa publiko ang panganib na dala ng sunog at kung paano ito maiiwasan.

Gamit ang kanilang fire trucks pumarada sila sa bayan, habang tumutunog ang sirena ng bumbero na siyang nagpaalala sa mamamayan na laging maging handa dahil ang sunog daw ay walang pinipiling lugar, panahon at oras na posibleng puminsala sa ari-arian at kumitil ng buhay ng tao bagay na nais mapigilan ng BFP.

Nakiisa sa aktibidad na ito ang lokal na pamahalaan ng Infanta, Kapulisan at iba pa.

Nagkaroon rin ng kick off ceremony ng naturang programa sa iba pang mga bayan sa Lalawigan ng Quezon.

Isinabatas ang Fire Prevention Month sa pamamagitan ng Proclamation Number 115-A na nilagdaan ni dating pangulo at diktador na Ferdinand Marcos.

Minamandato ng batas na gumawa ng aktibidad ang mga sangay ng gobyerno at mga pribadong sektor ukol sa pag-iwas sa mga sakuna, gaya ng sunog.

Pin It on Pinterest