Gumaca at bayan sa Aurora Lumagda sa Sisterhood Agreement
Pinangunahan ng mga chief executive ng lokal na pamahalaan ng Gumaca, Quezon at Baler, Aurora ang paglagda sa sisterhood agreement na magbibigay-daan sa pagtutulungan ng dalawang bayan para sa mas maraming proyekto.
Pinagtibay sa kasunduan nina Gumaca Mayor Webster Letargo at Mayor Rhett Angara ng Baler, Aurora ang maayos na relasyon at kooperasyon sa pagitan ng dalawang komunidad.
Ayon sa lokal na pamahalaan ng Gumaca, magpapalakas nito ang pagkakaibigan ng dalawang LGUs at magtatatag ng isang mahusay na ugnayan ng komunikasyon upang mapadali ang palitan ng impormasyon, teknolohiya, mga patakaran sa pagpaplano ng pag-unlad, paghahatid ng mga serbisyong pangkalusugan, pangkaligtasan, pangkapaligiran, turismo at iba pang mahahalagang aspeto ng lokal na pamamahala at self-sustainability.
Nagbahagi din ang dalawang bayan ng kani-kanilang best practices na makakatulong sa kabilang panig gaya na kahandaan sa panahon ng mga sakuna o di-inaasahang pangyayari.
Lubos naman ang pasasalamat ng Pamahalaang Bayan ng Gumaca sa naging pagtanggap ng munisipalidad ng Baler, Aurora at inaasahan anila ang simula ng mas malalim at mabuting ugnayan ng dalawan na kapaki-pakinabang sa bawat mamamayan upang makamit ang hinahangad na kapayapaan, kagalingan at kaunlaran.

