News

HAPAG program ng DILG, tinawag na Green House ng Brgy. Kanlurang Mayao

Muling umarangkada ang HAPAG o ang Halina’t Magtanim ng Prutas at Gulay sa Barangay Kanlurang Mayao ng Department of the Interior and Local Government o DILG sa Lungsod ng Lucena.

Sinabi ni Kapitana Adela Nave sa panayam ng Bandilyo.ph at 89.3 FM Max Radio na layunin ng programa na mapalakas ang kapasidad ng mga kabarangay upang mapanatili ang kanilang inisyatibong pang-agrikultura.

“Simula nang sabihin ng programang national na talagang palakasin, pasiglahin ang pagtatanim lalo na pasimulan sa barangay ang mga bawat kabarangay natin, eh ‘di maingganya na magtanim din”.

Aniya, ang naturang proyekto ng DILG ay tinawag nilang Green House na humihimok na magkaroon ng mga gawaing pang-agrikultura ang mga kabarangay nito at hinihikayat silang magtanim ng mga sariwang prutas at gulay sa kanilang mga lote.

Isa rin sa nais maabot ng programang ito ay upang masolusyonan ang kagutuman at masiguro ang food security sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga sariwang prutas at gulay.

Bukod dito ay kumita at mabawi ang ginastos ng Pamahalaang Barangay ng Kanlurang Mayao sa pagpapatayo nila ng Green House na kung saan ang nakatanim sa loob nito ay lettuce.

“Ang aming pinagkakasunduan ng aming Sanggunian ay magpatayo tayo ng isang Green House kasi hindi maiwasan ‘yung nagtatanim kami noon ay naunahan pa kaming mamuti ng ibang mga taga labas kaya as of now bilang pagtupad doon sa kautusan natin na pasiglahin ang paggugulay at the same time ay kumita ang barangay kasi gagawin natin yang talagang although may pamigay tayo para mabawi yung pinagpagawa noon kaya ang inilagay namin mismo sa loob is yung may presyo ang nakatanim sa loob ay lettuce”.

Ang HAPAG Program ay inilunsad noong buwan ng Enero ng kasalukuyang taon.

Pin It on Pinterest