News

Higit 100 bagong pisang pawikan, pinakawalan sa baybayin dagat sa Catanauan, Quezon

Isang daan at labing-lima na mga bagong pisang Olive Ridley sea turtle ang pinakawalan sa baybaying dagat ng Sitio Paraiso, Brgy. Cutcutan, Catanauan, Quezon kamakailan.

Batay sa ulat ng DENR Calabarzon, personal na sinaksihan ni DENR Undersecretary Ernesto Adobo Jr., kasama ang DENR-CENRO Catanauan, ang pagkapisa ng mga itlog ng pawikan sa isang nesting site sa nasabing barangay.

Ang mga bagong pisang mga pawikan ay kaagad rin na pinakawalan patungong karagatan.

Bago pa raw ito mapisa, ang nasabing marine turtle nest sa beach area ng nabangit na lugar ay regular daw na mino-monitor ng Technical Staff ng CENRO.

Kabuuang 121 itlog ng pawikan ang nakita sa nesting site kung saan apat ang hindi pa napipisa, dalawa ang namatay at 115 hatchlings ang matagumpay na napisa at tuluyan nang pinakawalan.

Ayon sa DENR Calabarzon, kilala rin bilang Pacific ridley sea turtle ang Olive Ridley sea turtle, ang ikalawang pinakamaliit at pinakamaraming sea turtles sa buong mundo na natatagpuan sa mga karagatang tropikal at mainit-init ang temperatura, partikular sa Pacific at Indian Oceans.

Ang pagpapakawala ng mga pawikan ay alinsunod sa Republic Act No. 9147 o Wildlife Conservation and Protection Act of 2001, na naglalayong protektahan ang wildlife species at kanilang tirahan.

Samantala kamakailan lang din, 683 na bagong pisang mga Olive Ridley Marine Turtles ang pinakawalan din sa baybaying dagat ng Barangay Bignay II, Castañas at Guisguis Talon sa bayan ng Sariaya, Quezon.

Pin It on Pinterest