News

Higit 5K kilo ng basura, nakolekta sa Palit-Bigas Caravan sa Tayabas City

May kapalit ng bigas ang pagmalasakit sa kapiligiran ng mga residente ng Tayabas City sa isang programa ng lokal na pamahalaan.

Nasa 155 indibidwal mula sa iba’t ibang barangay ng lungsod ang nakiisa sa Basura Palit-Bigas Caravan ng General Services Office – Ecological Solid Waste Management Unit.

Sa ilalim ng programa, ang mga plastic waste na maiipon ng mga residente na may bigat ng dalawang kilo ay maaaring palitan ng isang kilong bigas.

Layon umano ng proyekto na maturuan ang mga residente sa pagse-segregate at pagre-recycle ng mga basura.

Umabot sa higit limang libong kilo ng plastic waste ang nakolekta sa pamamagitan ng programa na may katumbas ng higit 2 libong kilo ng bigas.

Sa 66 barangay na nakilahok sa Palit-Bigas Caravan, nanguna sa pinakamaraming naipalit na plastic wastes ang Brgy. Lita na umabot sa higit isang libong kilo katumbas ng 708 kilo ng bigas. Pumangalawa ang Brgy. Angeles Zone-1 na umabot sa 578 kilo ng basura kapalit ng 289 kilo ng bigas at pangatlo ang Brgy. Angeles Zone-3 na umabot sa 286 kilo ng plastic waste katumbas ng 143 kilo ng bigas.

Ayon sa local government, ang naipong plastic na basura ay nakatakdang i-deliver sa Cemex Plant sa Antipolo, Rizal para i-recycle.

Nakapaloob din umano ang programa sa sa pagsunod sa itinatadhana ng RA 9003 o Ecological Solid Waste Management Act of 2000.

Pin It on Pinterest