Suporta ng Mamamayan ang Kailangan sa Pagsisikap na Ipinapakita ng Lokal na Pamahalaan
Ang maliliit na pagsisikap na ginagawa ng pamahalaan ay malaking hakbang upang maresolbahan ang problemang kinakaharap ng bayan.
Ito ang naging pahayag ni Konsehal Nicanor ‘Manong nick’ Pedro Jr. nang makapanayam ang Chairman ng Peace and Order Committee sa programang Usapang Tapat.
Hinggil ito sa mga ordinansa at resolusyon na inaprubahan tulad nang pagbabawal ng drone malapit sa jail facility, drug-free home project at iba pa na ipinatupad ng Sangguniang Panglungsod ng Lucena.
“Itong maliliit na pagsisikap na ito, mga konting efforts na ito na ginagawa ng ating pamahalaan ay isang malaking hakbang patungo dun sa pag-aalis ng mga problema na kinakaharap ng ating lipunan” ayon kay Manong Nick.
Dagdag pa ng Konsehal na sana daw ay suportahan ng mga mamamayan ang pagsisikap na ipinakikita ng lokal na pamahalaan.
“Sana po ay suportahan natin mga ganitong pagsisikap, sumunod po tayo dun sa itinatakdang regulasyon para naman hindi masayang itong mga pagsisikap na ito” sinabi ni Manong Nick.
Pinaalala naman ni Konsehal Manong Nick ang katagang sama-sama, magkapit-kamay at magkaisa para sa patuloy na pagbabago at pag-unlad ng lungsod ng Lucena.