News

Ilang paaralan sa Mulanay, Quezon sinuspinde ang klase ngayong araw

Pansamantalang kinansela ang klase ngayong araw sa ilang paaralan sa Mulanay, Quezon.

Dahil umano sa napaulat na bomb threat sa ilang eskwelahan sa nasabing bayan, kaya ipinag-utos ang suspensyon ng klase sa mga sumusunod na paaralan: Sta. Rosa Elementary School, Mulanay Central Elementary School, Bondoc Peninsula Agricultural High School at PUP – Mulanay, ngayong araw, May 22, 2023.

Kaugnay nito, kaninang umaga ay kaagad na inatasan ang hepe ng Mulanay PNP na si Major Marlon C Comia na gumawa ng masusing pagbabantay sa loob at labas ng mga nabanggit na paaralan.

Sa kanilang ulat, negatibo ang bomba sa mga paaralang ito, ganunpaman, nag-request pa rin ng operatiba mula sa PNP Explosive Ordinance Disposal Unit (EOD) upang tiyaking ligtas ang mga lugar na nabanggit.

Ayon kay Mayor Aris Aguirre mahalaga ang kaligtasan ng mga mamamayan, kaya naman ginagawa niya ang lahat upang matiyak ang kaligtasan lalo na ng mga mag-aaral.

Pinapayuhan din ng Alkalde ang lahat na huwag mag-panic at manatiling nakaabang sa mga lehitimong updates mula sa social media pages ng LGU Mulanay.

Pin It on Pinterest