Iligal na pagnanakaw ng krudo o paihi nasawata, tatlo arestado sa bayan ng Guinayangan
Nakatambak sa himpilan ng Quezon Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang maraming container na naglalaman ng produktong petrolyo na magsisilbing ebidensya sa tatlong suspek sa iligal na pagbebenta ng mga ito ng petroleum product sa Bayan ng Guinayangan, Quezon.
Arestado ang tatlong indibidwal na hinihinalang miyembro ng “Paihi Gang” o ilegal na nagnanakaw at nagbebenta ng petrolyo sa Purok 1, Brgy. San Luis 2 ng nabanggit na bayan nitong Nobyembre 8.
Kinilala ang mga naarestong suspek na sina Samuel Lagatuz, 48-anyos at residente ng Barangay San Luis 2 ng naturang bayan, Glenn Caleta, 48-anyos at Jumar Daip, 23-anyos na pawang residente ng Barangay Concepcion Pequina, Naga City Camarines Sur.
Ayon sa CIDG Quezon, nagbunga ang pagkakahuli sa mga suspek sa iligal na aktibidad bunsod ng sumbong.
Sa tulong ng mga operatiba ng Guinayangan Municipal Police Station at mga miyembro ng 405th Regional Mobile Force Battalion isinagawa ang operasyon dakong alas-7:00 ng gabi umabot hanggang madaling araw.
Narecover sa mga naarestong suspek ang 107 na plastic containers na naglalaman ng 28 liters ng diesel fuel na may kabuuang street value na 194,640 pesos. Ang ninakaw na mga krudo ay lulan ng isang wing van.
Kasalukuyang nakaditine ang mga suspek sa Quezon Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at posibleng mahaharap sa kasong paglabag sa Section 2 A ng Batas Pambansa 33 na inamyendahan ng Presidential Decree (PD) 1865.