Mananlob Bridge sa Domoit, Lucena City, sinimulan nang ayusin matapos maapektuhan ng bagyo
Sinimulan nang ayusin ang isang tulay sa barangay domoit sa Lucena City upang madaanan na ng malalaki at mabibigat na sasakyan.
Isinara pansamantala ng Barangay Domoit, Lucena City ang Mananlob Bridge para sa mga naturang sasakyan buhat pa noong kasagsagan ng Bagyong Paeng matapos na gumuho ang ilalim ng tulay bunsod ng malakas na agos ng creek. Humina raw ang pundasyon nito at delikadong tuluyang bumigay.
Ayon sa kapitan ng Barangay, ang Mananlob Bridge ay ang pangunahing daanan papasok at palabas ng barangay hall at ng maraming residente sa Barangay Domoit, Lucena City, Kanlurang Domoit at Silangang Domoit sa Tayabas City.
Ang pagsasara nito para sa mabibigat na sasakyan ay malaking epekto sa mga mamumuhunan sa mga nabangit na barangay.
Matapos ang halos dalawang lingo, sinimulan ang konstruksyon para sa pagpapatibay nito. Apat na malalaking negosyante sa nasabing lugar ang naging tulay para maiayos at mapatibay ang naturang tulay.
“Kasi kung idadaan sa pondo ng barangay, hindi kaya. Sa city naman medyo matatagalan. Nakipag-coordinate din naman tayo sa ating City Engineering para sa madaling aksyon sa paggawa ng tulay. Sila naman ay boluntaryong tumulong ngayon, ‘yung may malalaking negosyo dito, sila na nagpagawa noon,” sabi ni Kapitan Ruel Trinidad.
Ayon sa foreman na gumagawa sa tulay, kung magiging maayos ang panahon maaaring sa loob ng dalawang linggo matapos na ang pagsasaayos nito.