Kaanib ng INC, nangasiwa ng blood donation drive sa Tiaong
Tinatayang nasa 500 kaanib ng Iglesia Ni Cristo (INC) ang nakiisa sa pinangasiwaan nilang blood donation drive sa Tiaong, Quezon, kamakailan.
Katuwang ang Christian Medical Dental and Paramedical Society (CMDPS) at Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital and Sanitarium (DJNRMHS), nakakolekta ng 176 blood bags sa mga kaanib ng INC mula sa limang bayan na bumubuo sa Distrito Eklesiastiko ng Quezon West: Tiaong, Sariaya, Dolores, San Antonio, at Candelaria.
Ayon kay Christopher Angeles, district minister ng INC, agaran ang naging pagtugon ng mga kaanib sa idinaos na aktibidad.
“Sa awa at tulong po ng ating Panginoong Diyos, napakarami po sa araw na ito ang nagdonate po ng dugo,” saad niya.
Pagtulong sa kapwa ang nag-udyok sa mga kaanib na lumahok at nag-donate ng dugo anuman ang kanilang edad.
Binigyang diin ni Nicolas Tanduya, 59-taong gulang na siyam na beses na siyang nagdodonate ng dugo para makatulong sa kapwa habang ang 22-taong gulang namang si Pretty May Flores ay iginiit na nais niyang makatulong sa mga kababayang nangangailangan.
Ipinaliwanag naman ni Donnabelle Joyce Bongat, isang nurse sa DJNRMHS,
ang maraming benepisyo ng pagdo-donate ng dugo.
“Unang una po sa lahat, tayo po ay nakakatulong sa mga taong may
sakit, lalong lalo na po yung mga pasyente na nangangailangan po ng
blood transfusion. Sa pamamagitan din po ng pagdo-donate ng dugo,
tayo po ay nakakakuha ng libreng check up,” saad niya.
Ang Iglesia Ni Cristo (Church Of Christ) ay isang religious organization
na nasa mahigit 160 bansa at teritoryo at kinabibilangan ng mga kaanib
na mula sa mahigit 150 na mga lahi at etnisidad.