News

Kakulangan sa suplay ng dugo sa Quezon, nais tugunan ng pamahalaang panlalawigan

Nais masolusyunan ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon ang problema sa kakulangan ng suplay ng dugo sa probinsya.

Isang resolusyon ang ipinasa sa sangguniang panlalawigan na nagbibigay pahintulot sa provincial government sa pagpasok sa kasunduan sa pagitan ng mga pampubliko, pribadong ospital at mga organisasyon upang sanib-pwersa sa koleksyon, pagbabahagi at pagbibigay ng ligtas na blood supply.

Ayon Quezon 3rd District Board Member John Joseph Aquivido, chairman ng Committee on Health and Sanitation, kapansin-pansin ang kakulangan ng suplay ng dugo sa blood-service facility sa Quezon Medical Center tuwing may pasyenteng mangangailangan.

“Ang nangyayari, nakikipag-ugnayan pa po tayo sa ibang lalawigan hanggang umaabot pa tayo ng Maynila at worst ‘pag minsan umaabot pa po ng Pampanga para dun makakuha ng dugo,” ani Aquivido.

Kaugnay nito, napagpasyahan umano ng blood service committee ng Integrated Provincial Health Office na patatagin ang relasyon nito sa mga pribadong sektor.

Sa ilalim ng resolusyon, makikipagkasundo ang pamahalaang panlalawigan sa mga private institusyon tulad ng Philippine Red Cross para sa mas madaling pagkuha at hindi na lalayo pa ang mangangailangan ng suplay ng dugo.

Pin It on Pinterest