Kandidatong Senador, Sang-ayon na Magbenta ng Gamot ang mga Sari-sari Store
Sang-ayon si Senatorial Candidate Dra. Minguita Padilla na magbenta ng gamot ang mga sari-sari store.
Ayon kay Padilla, hindi ito makatarungan para sa mga mahihirap at mga nakatira sa liblib na lugar.
Ito ang naging pahayag ni Padilla nang bumisita ito sa St. Anne College sa Lucena City sa ilalim ng tandem nina Presidential Candidate Sen. Panfilo Lacson at Vice Presidential Candidate Senate President Tito Sotto III ukol sa kautusan ng Department of the Interior and Local Government o DILG na bawal magbenta ng over-the-counter na medisina ang mga sari-sari store nang walang pahintulot.
“Hindi ho dapat ipagbawal ‘yung mga over-the-counter medicines ‘yung mga sakit ng ulo, lagnat, ubo hindi ho dapat ipagbawal ‘yan sa sari-sari store kasi alam naman natin ‘yun ang pinaka-accessible sa mga tao so hindi ako sang-ayon na ipagbawal. I think parang katamaran ‘yang ginagawa ng FDA dapat siguraduhin nila na hindi peke ‘yung pumupunta sa sari-sari store. Hindi problema ng sari-sari store ‘yon, problema ng FDA ‘yon,” saad ni Padilla.
Aniya, dagdag pasanin sa mga may-ari ng maliliit na tindahan ang pagkuha ng mga permit.
Dagdag pa nito, ang tindahan ang pinaka-accessible na mapagbibilhan ng mga gamot na hindi na kailangan pa ng reseta ng doktor para sa lagnat, trangkaso, dismenorya o pananakit ng tiyan at katawan.
Aniya, hindi lahat ng lugar ay malapit sa mga drug store at hindi bukas sa loob ng 24 oras.