News

Mabibiling sariwang isda sa Lucena City Public Market, halos wala na

Bukod sa mahal ngayon ang presyo, wala halos mabibiling sariwang isda sa Lucena City Public Market, wala raw halos na dumadating ngayong isda sa pamilihan para maibenta.

Kaninang umaga, ang ilang stall halos walang tinda.

Sabi ng tindero na si Mamang Ruel, pahirapan ang pag-angkat ngayon ng isdang-alat, wala raw kasi masyadong nakakalaot dahil sa mahangin at malamig na panahon. Kaya ang tinda n’yang isda kanina, tanging maliliit na bisugo lamang na may kamahalan ang presyo.

“Ang bigay din namin ay mataas din, yaan lang tinda mo ngayon? Oo dati rati ay galunggong kanuping ngayon ay wala dahil sa lakas ng alon,” ang sabi ni Mamang Ruel.

Ang ilang mamimili tuloy nahihirapan humanap ng mabibiling isdang-alat gaya ng mga isdang pang-masa tulad ng Galunggong.

Ang iba may benta naman nito kaya lang hindi raw sariwa, frozen kung tawagin nila, na inaangkat pa raw mula sa Malabon.

“Frozen, walang sariwa,” sabi ng tinderang si Aireen.

Sabi ng mga maninindahan ng isda, may isang buwan na raw na halos walang suplay ng sariwang isdang-alat sa nasabing palengke.

“Frozen lang ang marami, ang mga sariwa ay kakaunti. Mahal ngayon ang isda. Ang frozen nga magkano? 240 na rin,” sabi ng tinderang si Mamita.

Ang ilang mamumuhunan, nagtitiyaga na muna sa isdang dilis may maibenta lang at may mapagtubuan. May mabibili na isdang tambakol kaya lang hindi naman ito sariwa.

Pero may mga mabibili naman na isdang-tabang tulad ng tilapia at bangus.

Sabi ng mga maninindahan ng isda, posibleng ilang linggo pa ang aantayin bago sila makaangat ng mga sariwang isda na karaniwang ibinibenta sa palengke. Kung kailan ito, nakadepende sa lagay ng panahon.

Pin It on Pinterest