Mapayapa, ligtas na Infanta, isusulong ni Mayor Ruanto
Nilagdaan ni bagong Infanta Mayor L.A. Ruanto ang mga kautusang tagapagpaganap na mahigpit na pagpapatupad ng curfew hours sa mga menor de edad at pagbabawal ng maiingay na tambutso bilang bahagi ng Lingap Agenda upang makamit ang isang mapayapa at ligtas na munisipalidad.
Sa ilalim ng Executive Order No. 1 o An Executive Order Requiring All Ordinance Enforcers, Barangay Chairpersons, Barangay Police, Members the Philippine National Police and All Concerned Offices to Strictly Enforce, Apprehend, and Issue Ordinance Violation Receipt for Violation of Municipal Ordinance No. 16 Series of 2018 Otherwise Known As “Infanta Quezon Disciplinary Hours for Minors” ang mga menor-de-edad ay pinagbabawalang lumabas, tumambay, o gumala sa pampulikong lugar na walang katuwirang dahilan. Pinagbabawalan din ang kanilang mga magulang o guardian na payagan sila.
Maaaring sumailalim sa counselling ang mga bata at magulang o guardian kung napatunayang lumabag dito. Mahaharap din sila sa community service, magbayad ng multa, makulong at iba pang kaparusahang itinakda ng batas.
Samantala, nakatakda ring parusahan sa munisipalidad ang may maiingay na tambutso.
Batay naman sa Executive Order No. 2 o An Executive Oder Requiring All Ordinance Enforcers, Members of the Philippine National Police, and All Concerned Offices to Strictly Enforce, Apprehend, and Issue Ordinance Violation Receipt for Violation of Municipal Ordinances No. 5 Series of 2010 and No. 12 Series of 2014 Which Prohibit the Use of Noisy Motorcycles Exhausts in the Municipality of Infanta, Quezon, and Provides Penalties for Violation Thereof, maaaring magmulta ng hanggang ₱2,500 o ma-impound ang motorsiklo kung sakaling mapatutunayang lalabag dito.
Ayon sa alkalde, isinasaayos na rin ang isang komprehensibong programa para sa mga pakalat-kalat na aso at pusa maging ang mahigpit na pagpapatupad ng “No Segregation, No Garbage Collection.”