News

Mga barangay sa Lucena City, suportado ang ‘Chikiting Ligtas 2023’ ng DOH

Inilunsad kamakailan ng Department of Health o DOH CALABARZON sa Lungsod ng Lucena ang programang “Chikiting Ligtas 2023 – Measles, Rubella and Oral Polio Vaccine supplemental immunization activity kontra polio, rubella at tigdas para sa mga bata na 0-59 buwan o limang taong gulang pababa na magsisilbing proteksiyon habang sila’y lumalaki.

Sa Brgy. 9, isinagawa ng DOH kahapon ang naturang aktibidad.

Sinabi ni Kapitana Filipina Flancia ng Barangay 9 na “mas magiging ligtas ang lahat ng bata kung sila ay mabibigyan ng bakuna.

“Masyado po itong importante ang pagbabakuna ika nga po ang tigdas ay nakamamatay na sakit din po ng bata baka po hindi natin alam ang tigdas meron na sa loob ng katawan na lumalabas po ito sa ating skin pero yung iba po hindi na po lumalabas kaya po ito po ang nagiging dahilan ng kamatayan ng bata.”

Aminado si Flancia na nasa 50% pa lamang ng mga bata sa lugar ang nabigyan ng bakuna dahil may ilan pa ring magulang ang takot na pabakuhanan ang kanilang mga anak.

“Marami po tayong nabakunahan na chikiting pero hindi pa po ito sapat para sa bilang na dapat ay matamo natin sa mga bata kasi po yung iba ika nga ay natatakot ang mga magulang na pabakuhan ang kanilang mga anak.”

Katuwang ng DOH sa nasabing programa ang Lucena City Health Office at ang kanilang Barangay Health Workers.

Sa Brgy. Cotta naman, lahat ng purok sa kanilang lugar ay naikutan na para mabigyan ang mga bata ng bakuna kontra polio, rubella at tigdas.

“Lahat po ng 18 Purok ay naikutan na po nila at sa susunod po na Linggo ay babalikan po nila para susuyudin nila kung lahat po ay sadyang nabigyan na po may follow-up pa po sila niyan.”

Sinabi ni Kapitana Annalou Alcala na mahalaga ang “Chikiting Ligtas” program para maiwasan ang mga sakit sa pamamagitan ng bakuna.

“Syempre po napaka importante po sapagkat ito po ay para sila ay makaiwas or para meron silang pang laban po yung katawan nila at hindi po sila magkakaroon.”

Layunin ng “Chikiting Ligtas” na mabigyan ng bakuna ang mga batang nasa edad 0-59 na buwang gulang kontra sa sakit na measles, rubella at polio na maaaring pagmulan ng mas delikadong mga komplikasyon kung hindi matutugunan nang maayos.

Hinihikayat naman ng mga Punong Barangay sa lungsod ang mga Lucenahing magulang na maaring dalhin sa malapit na health center ang kanilang mga anak para mapabakunahan at magkaroon ng proteksiyon laban sa mga naturang karamdaman.

Pin It on Pinterest