News

P8-M cash aid, naipamahagi sa mga magsasaka sa Quezon

Patuloy ang pamamahagi ng Department of Agriculture (DA) ng cash assistance sa mga kwalipikadong magsasaka ng palay sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund – Rice Farmers Financial Assistance (RCEF-RFFA).

Nakatanggap ang nasa 1,700 mga rice farmer ng tulong pinansyal sa ilang bayan sa Quezon bilang kabayaran sa pagkawala ng kanilang kita dahil sa pagbaba ng presyo ng pagbebenta ng palay at pagtaas ng halaga ng pataba at iba pang gamit.

Aabot sa higit P8 milyon halaga ng financial assistance ang naipamahagi ng DA sa lalawigan.

Kabilang dito ang bayan ng Buenavista, Catanauan, Macalelon, Mulanay, San Franciso, at San Narciso mula sa ikatlong distrito, habang kasama rin ang bayan ng Gumaca at Lopez para sa ika-apat na distrito ng Quezon.

Kaugnay ito sa patuloy na implementasyon ng Republic Act (RA) No. 11203 o “Rice Tariffication Law” kung saan ang pondong maiipon mula sa pag-aangkat ng bigas ay ilalaan sa mga interbensyon at ayudang ipagkakaloob sa mga maliliit na magsasaka ng palay na rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA).

Pin It on Pinterest