Pagtataas ng presyo ng langis, mga oil company dapat masilip
Para sa ilang jeepney driver, dapat din daw na silipin ng pamahalaan ang mga kompanya ng langis sa pagtataas ng mga ito sa presyo ng produktong petrolyo.
“Marami pa naman silang stock eh. Bakit ‘pag tumaas, isinasabay-sabay na nila kaagad? Eh dapat inuubos muna nila ang stock, dapat tingnan ng mga opisyal ng ating gobyerno,” saad ni Mang Adriano.
Samantala, iimbitahan ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang mga opisyal ng mga kompanya ng langis para talakayin ang sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Ayon sa opisyal, ang mataas na presyo ng produktong petrolyo ay itinutulak ng pagtaas ng presyo nito sa pandaigdigang pamilihan bukod sa tali rin ang kamay ng gobyerno dahil sa Oil Deregulation Law.
Pero ipinunto ni Romualdez na ang ibinebenta ng mga kompanya ng langis ngayon sa bansa ay hindi pa ang kanilang nabili sa mataas na presyo.
Bagay na sinang-ayunan ng mga tsuper. Sabi nila, ang ganitong bagay ay dapat masilip.
Layunin ng hakbang ni Romualdez na mahanapan umano ng solusyon ang halos lingguhang oil price hike sa layuning maibsan ang mabigat na pasanin ng publiko.
Bunsod nito ay nais ni Romualdez na marinig ang suhestyon ng oil companies kung paano o ano ang dapat gawin ng pamahalaan at oil players upang mapababa ang presyo ng produktong petrolyo.
Binanggit din ni Romualdez na sisilipin ng Kamara ang mga nakabinbing panukala na naglalayong amyendahan ang Oil Deregulation Law.