News

Pangamba sa COVID-19 alert status sa Quezon, pinawi

“Walang malalang kaso ng COVID-19 sa lalawigan,” ito ang binigyang-diin ni Quezon Board Member John Joseph Aquivido, chairman ng Committee on Health and Sanitation sa sesyon ng Sangguniang Panlalawigan nitong Lunes.

Ito ay kaugnay sa pagsasailalim sa 26 na lugar sa bansa sa COVID-19 alert level 2 kabilang ang lalawigan ng Quezon.

“Nakikita namin, most specially ng mga private health practitioners na misleading ang balita na inilabas kagabi ng national media dahil wala talagang pagbabago pa sa movement o sa status ng COVID-19 sa buong bansa,” sabi ni Aquivido.

Ayon kay Aquivido, sa katunayan ay walang halos naitatalang positibong kaso ng sakit sa Quezon sa isang araw.

Ang pagsasailalim umano sa alert level 2 ng ilang bayan sa lalawigan ay dahil sa hindi pa naaabot ang bilang ng mga dapat na nabakunahan na itinatakda ng DOH.

Sa kabila nito, nagkaisa naman ang sangguniang panlalawigan sa pagpapaalala sa publiko na bagama’t kakaunti ang naitatalang kaso ng COVID-19 sa lalawigan ay patuloy pa ring mag-ingat dahil sa nananatiling banta ng sakit.

Pin It on Pinterest