News

Pasayahan Village 2023, binuksan na sa publiko

Binuksan na sa publiko ang Pasayahan Village 2023 bilang bahagi ng pagdiriwang ng Pasayahan sa Lucena.

Ito’y matapos na isagawa nitong Martes ng hapon ang Pasayahan Village Grand Opening sa pamamagitan ng isang motorcade, sinundan ito ng blessing at ribbon-cutting ceremony para pormal na buksan ang Pasayahan Village 2023 na matatagpuan sa bahagi ng Lucena City Government Complex sa Brgy. Kanlurang Mayao ng lungsod.

Laman ng naturang village ang mga tiangge, carnival rides, foods stalls at marami pang iba upang ma-enjoy ng mga taong magtutungo sa lugar ang kanilang pamamasyal.

Pinangunahan ni City Tourism Officer Arween Flores ang welcome remarks para sa pagbubukas ng Pasayahan Village.

Ayon kay Lucena City Mayor Mark Alcala, matapos ang halos tatlong taon na walang selebrasyon ng Pasayahan sa Lucena dahil sa pandemya ay muling nagkaroon ng ganitong uri ng aktibidad na mayroong kakaiba at komportableng Pasayahan sa Lucena ang mamamayan.

“I would just like to send my appreciations sa lahat po ng nag-organized dito po sa ating Pasayahan Village after 3 years ba? After 3 long years finally, the wait is over magkakaron po muli tayo ng Pasayahan, panibagong pasayahan which is yung tinatawag nga po nating Pasayahan Village all in one na po naandito na po lahat pupunta na lang po ang ating constituents.”

Samantala, ayon kay CALBARZON Regional Director Marites Castro ng Department of Tourism, maganda raw ang lugar ng Pasayahan Village dahil pag na-develop ito ay mas lalong magiging maganda, mas maraming pupuntang tao at higit sa lahat ay magiging masaya lahat.

Nagbigay din ng mensahe si Coun. Patrick Norman E. Nadera, Chairman ng Committee on Culture and the Arts.

“Medyo matagal ho na hindi ho natin na-celebrate ang Pasayahan dito sa Lungsod ng Lucena at alam kong kita naman sa mga taong naririto ho ngayon na sabik na sabik tayong lahat na muling masaksihan ang mga events po natin taon-taon para ma-celebrate ang Pasayahan sa Lungsod ng Lucena.”

Kasabay ng pagbubukas ng Pasayahan Village ay ang inihandog na pangmalakasang kantahan ng “This Band” at fireworks display para sa Grand Opening ng nasabing village.

Una nang sinabi ni City Tourism Officer Arween Flores sa programang Tambayan ng Bandilyo.ph at 89.3 FM Max Radio ang ilang rason ng paglilipat umano ng ilang aktibidades sa Pasayahan Village.

Una rito ay ang pag-iwas sa dulot nitong trapiko at pagdumi o pagkakalat sa kabayanan.

Ikalawa ay ang panawagan ng karamihan sa mga negosyante dahil umano sa natatakluban ang kanilang mga pwesto sa kahabaan ng Quezon Avenue.

Pin It on Pinterest