News

Project Click, inilunsad ng DICT sa 2 paaralan sa Catanauan, Quezon

Sumailalim ang ilang mag-aaral ng San Isidro Elementary School at Tuhian Elementary School sa bayan ng Catanauan, Quezon sa cyber hygiene training ng Department of Information and Communications Technology (DICT).

Ito bahagi ng implementasyon ng Project Click o Courses for Literacy on Internet and Computer Knowledge ng ahensiya na naglalayong turuan ang mga estudyante tungkol sa online safety at lahat ng aspeto na may kaugnayan sa kapakanan ng mga bata sa mga digital spaces, kabilang ang social media at online search engines.

Sa pamamagitan din ng proyekto, namahagi ang DICT ng tig-30 tablet sa dalawang paaralan at tinuruan ang mga mag-aaral ng responsableng paggamit nito.

Naniniwala ang DICT na ang pagtuturo sa mga kabataan ng naaangkop na paggamit ng mga digital device ay makakatulong na pagpapalakas ng partisipasyon ng bansa sa global digital economy.

Inilunsad din ng DICT ang Project Click upang matugunan ang learning gaps ng mga Pilipino pagdating sa digital skills at learning loss ng mga mag-aaral o pagkawala ng kaalaman dahil sa matagal na pagkahinto sa edukasyon dulot ng pandemya.

Pin It on Pinterest