News

Sa nangyayaring pagbabago ng panahon bunsod ng climate change, kumilos tayo para sa sarili – Coun. Nicanor Pedro Jr.

Bagama’t hindi grabeng apektado sa ngayon ang Lungsod ng Lucena sa nararanasang epekto ng masamanag panahon, tulad ng ulan, baha, taglamig o tag-init , malakas na hangin dala ng habagat maging ng amihan at tuloy-tuloy na pag-ulan kahit wala namang bagyo, bunsod ito ng pagbabago ng klima ng mundo o climate change.

Sinabi ni Lucena City Councilor Nicanor Pedro Jr. sa harap ng mga kapwa opisyal ng pamahalaang lokal ng Lucena City sa Sangguniang Panlungsod, kahit na may mga ginagawang hakbang ang ahensya ng LGU na nangangasiwa dito, dapat din tayong kumilos para sa sarili, hindi nagpapabaya, pagtulungan ang pagsisikap para sa kaligtasan sa abot ng ating mga kakayanan.

“Salamat po sa Diyos at patuloy pa rin niya tayong minamahal at inililigtas sa kapahamakan. Salamat at hindi niya tayo pinababayaan. Pero, hindi kaya dapat ding kumilos tayo para sa sarili, hindi nagpapabaya? Tulong tayo sa pagsisikap para sa kaligtasan, gaano man kaliit ang kakayahan natin, higit sa lahat hindi ba dapat na inaalagaan natin ang biyayang nilikha ng Diyos para sa sangkatauhan, hindi ba kailangang ipaglaban natin ito, dahil bigay ng Diyos sa atin, hindi ba?,” saad ni Coun. Pedro.

Sa muling pagbabalik ng regular na sesyon ng Sangguniang Panlungsod ng Lucena matapos holiday break, umaga ng Jan. 9, 2023 laman ng prebilehiyong pananalita ni Coun. Pedro ang grabeng epekto ng climate change sa iba’t ibang panig ng bansa, maging ng mundo.

“Ang kalagayan sa iba’t ibang panig ng Pilipinas at mundo ay patuloy pa din na dumadanas ng epekto ng masamang panahon-ulan, baha, bagyo, tag-init o tag-lamig, hangin at ulang habagat, madalas na thunderstorms tuloy-tuloy na pag-ulan kahit walang bagyo, may shear line pa, ang Amihan na dating may mabining simoy ng malamig na hangin ay nakakapagpabaha na rin daw, ang mga dating hindi binabaha sa ating bansa ay may mga lugar na ding lusungin at languyin, sa Luzon man, Visayas o Minadanao,” ani Coun. Pedro.

Bagamat patuloy raw na sinuswerte ang Lungsod ng Lucena na hindi pa nakakaranas ng direktang epekto sa pagpapalit ng klima ng mundo, sabi ng opisyal may pagkakataon pa upang makapaghanda sa pagdating nito, pag-aaral at pagsasaliksik sa tunay na kaalaman ng climate change para makatulong sa tamang hakbangin at mitigasyon nito.

Pin It on Pinterest