Schedule para sa 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections, inilabas ng COMELEC
Inilabas ng Commission on Elections (Comelec) kamakailan ang updated na kalendaryo ng mga aktibidad para sa 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na itinakda sa Oktubre 30.
Batay sa Comelec en banc Resolution 10902, ang election period at pagpapatupad ng Gun Ban ay mula August 28 hanggang November 29.
Ang paghahain naman ng COC o Certificates of Candidacy ay mula Agosto 28 hanggang September 2, 2023.
Habang simula September 3 hanggang October 18, ipinagbabawal ang pangangampanya, ito ang magbibigay-daan para sa campaign period sa October 19 hanggang October 28.
Ipinagbabawal muli ang pangangampanya mula October 29 hanggang October 30, kasama ang pagbebenta, pagbili, o pag-inom ng nakalalasing na alak.
Ang Election Day ay itinakda sa October 30, simula ika-7:00 ng umaga hanggang ika-3:00 ng hapon.
November 29, huling araw ng pagsusumite ng SOCE (Statement of Contributions and Expenditures) o totoo at naka-itemize na pahayag ng lahat ng kontribusyon at paggasta na may kaugnayan sa halalan.
Inaasahan ang pagtalima sa mga nagnanais maglingkod sa pamayanan, gayundin sa lahat ng mamamayan para sa maayos at mapayapang 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.

