News

SK ng Brgy. 4, namahagi ng P2-K educational assistance sa mga senior high school at college students

Nasa 55 estudyante mula sa senior high school at kolehiyo ang tumanggap ng tig-P2,000 educational assistance mula sa Sangguniang Kabataan ng Barangay Cuatro sa Lungsod ng Lucena, sa ilalim na rin ng kanilang educational assistance program.

Isinagawa umano kada batch ang pamamahagi ng ayuda at ang ikaapat na batch nito ay nakatakdang biyayaan ng cash aid sa susunod na Linggo sa Barangay Hall ng nasabing barangay.

Ayon kay SK Chairwoman Kathleen Joy Durante, ang nasabing educational cash aid ay ipinagkakaloob sa mga estudyante sa lugar na natukoy na pinakahigit na nangangailangan upang makatulong sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.

“Bale ito ay educational assistance mula po sa SK fund na bilang pandagdag sa kanila pong pag-aaral,” sabi ni Durante.

Labis daw ang tuwa ng mga scholars o kung tawagin ay ‘Iskolar ng Cuatro’ at pati na rin ang kanilang mga magulang na sa kabila ng pandemyang nararanasan ay patuloy ang Sangguniang Kabataan sa pamumuno ni Durante na nagbibigay tulong-pinansyal para sa kanilang edukasyon.

Mensahe ng Sangguniang Kabataan sa mga iskolar na patuloy na magsumikap at maging masigasig sa pag-abot sa kanilang mga pangarap para sa sarili at lalo’t higit sa pamilya nila.

“Ang mensahe po namin sa lahat po ng beneficiaries ng educational assistance sana po patuloy po kayong mag-aral ng mabuti at patuloy niyo po kaming suportahan at tulungan sa mga programa po hindi lang pagdating sa scholarship at sa iba pa pong programa ng Sangguniang Kabataan,” ani Durante.

Ang edukasyon ang isa sa pangunahing pinagtutuunan ng pansin ng administrasyon ni SK Chairwoman Durante.

Matatandaang sinimulan ang programa ng SK Barangay Cuatro taong 2019 na kung saan 15 pa lamang ang benepisyaryo noon hanggang sa umabot na sa kasalukuyan ng 55 benepisyaryo at target daw nila na maging 70 bago matapos ang taong ito.
“Nagsimula po kami sa 15 na beneficiaries tapos padagdag po ng padagdag naging 55 tapos ngayon po is 70 na po yung target namin na beneficiaries ngayong taon at next year madagdagan po bago po matapos yung aming term,” saad ni Durante.

Pin It on Pinterest