Nutribun production facility sa General Nakar, pinasinayaan
Bilang tugon sa pangangailangang pang-nutrisyon, pinasinayaan nitong Miyerkules ng lokal na pamahalaan ng General Nakar, Quezon at Department of Science and Technology (DOST) ang Nutribun Production Facility sa Brgy. Anoling.
Pinangunahan nina Mayor Eliseo Ruzol at Provincial Director Maria Esperanza Jawili ng DOST-Quezon ang inagurasyon at pagbabasbas ng nasabing pasilidad.
Ibinida ng local government na ito ang kauna-unahang nutribun production facility sa REINA-POGI area o ang hilagang bahagi ng Quezon Province.
Malaking tulong umano ito sa pagtataguyod nila sa wastong nutrisyon at pagbibigay ng trabaho at dagdag-kabuhayan sa kanilang mga residente.
Taong 2020 nang inilunsad ng DOST-Food and Nutrition Research Institute (FNRI) ang enhanced nutribun na gawa sa kalabasa.
Ito ay tugon sa pangangailangan ng mas masustansyang pagkain bilang suporta sa supplementary feeding program ng pamahalaan sa panahon noon ng community quarantine na nakasaad sa Department of Social Welfare and Development Memorandum Circular No. 12 Series of 2020.