Work Immersion, Inihahanda na sa mga Mag-aaral ng Senior High School
Bagamat inaantay pa ang memorandum mula sa Department of Education, naghahanda na ang SDO Lucena sakaling muling ipatupad ang in-person work immersion para sa mga senior high school students.
Ayon kay Ma. Consolacion Teñido, Public Schools District Supervisor, nakipagpulong na sila sa mga work immersion coordinators at teachers na gumagabay sa mga estudyante kaugnay sa work immersion at sinimulan na din nila ang pag-contact sa mga ka-partner na pribado at pampublikong institusyon.
“Sa aming pagpupulong with our senior high school coordinators and work immersion teachers, sila po ay naghahanda na para sa face-to-face work immersion. At ‘yun pong pag-contact ulit natin sa ating mga partners ay kanila na pong sinisimulan,” ani Teñido.
Ang work immersion ay parte ng curriculum ng senior high school na kung saan inihahanda ang mga bata sa aktuwal na pagpasok sa trabaho. Ito ay katulad o katumbas ng OJT o on-the-job training pagdating sa kolehiyo.
Ayon pa kay Teñido, layunin din nito na matulungan ang mga estudyante sa pagdesisyon sa gustong landas na tahakin pagkatapos ng senior high school.
“Dito po ay matutulungan natin ang ating mga Grade 12 learners upang madevelop sa kanila ang tinatawag nating life and career skills at inihahanda sila upang makapagdesisyon kung ano ang plano after ng kanilang senior high school,” saad ni Teñido.
Inihayag din ni SDS Dr. Hermogenes Panganiban ang kahalagahan ng pagkakaroon ng face-to-face work immersion na aniya dito nalilinang ang ibang kakayahan tulad ng social skills o pakikisalamuha sa kapwa lalo na sa mga katrabaho.